
Lumipad na papuntang United States si John Lloyd Cruz noong Martes Santo, April 7, upang atupagin ang kanyang mga showbiz commitments. Una, lalabas muna si Lloydie sa concert tour ng Pop Icons kung saan isa siya sa mga special guest. Mula roon ay tutungo siya sa New York upang pagtuunan naman ng pansin ang ginagawa niyang pelikula with Batangas Governor Vilma Santos at Luis Manzano.
Kuwento pa ni John Lloyd sa panayam ng The Buzz na ipinalabas kahapon (April 12), mas matindi ang excitement na nararamdaman niya sa proyektong ito, lalo ngayong ginagawa na nila ito. “I’m very excited. I think doble na ang excitement ngayon. ‘Yung kaba is just the same,” natawang sabi ng aktor. Itinuturing din umanong “welcome change” ito ni John Lloyd na sa mga nakalipas na taon ay natuon sa paggawa ng mga romantic love stories na talagang pumatok naman sa takilya. Gagampanan kasi ni John Lloyd ang role ng isang lalaking nagkaroon ng relasyon sa kapwa niya lalaki (Luis). Sa ngayon, ito rin ang pinaka-challenging role na gagawin niya. “Coming from mga romantic comedy, mga love story parang it’s very refreshing na makita ako ng mga sumusuporta sa akin sa ganitong klaseng pelikula,” pahayag niya. Kinuwento rin niya na marami na silang “baon” ni Luis sa kanilang mga eksena matapos sumailalim sa matinding preparasyon. “Kami ni Luis, we’ve been preparing. Nag-workshop kami, we’ve been attending characterization exercises with Direk Olive (Lamasan) and Direk Laurice Guillen. Feeling ko marami kaming ‘baon’ papunta sa New York, papunta sa project na ‘to,” share pa ng binata.
Samantala, hindi pa sila umano nakakapag-workshop ni Ate Vi, subalit sinabing ibang atake ang kanilang gagawin para sa kanilang mga eksena. “Kami ni Ate Vi, wala pa kaming nagagawang preparation together. Ang gusto namin ni Inang (Direk Olive) since unang beses ko siyang makakatrabaho at ganu’n din kasi ‘yung character ko, hayun gusto namin doon na mangyari ‘yon.” Sa kabuuan, ipinagpapasalamat na lamang ni Lloydie na mabigyan ng ganitong klaseng break na aniya ay isang blessing sa anumang anggulo tingnan. “Siyempre bihira naman ang nabibigyan ng chance o ng opportunity na una makatrabaho si Gov. Vi at si Direk Olive, tapos magyayari pa sa magandang city, like New York. I couldn’t be happier. I couldn’t be more grateful na sa akin napunta ‘yung opportunity,” pagtatapos niya.







0 comments:
Post a Comment