Noong taong 2000, nanguna ang ANC sa paghahatid ng walang humpay na coverage ng impeachment trial ng dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada at nakilala bilang natatanging news channel na nag-ulat ng paglilitis mula simula hanggang sa pagtatapos nito.
Sa impeachment trial naman ni Chief Justice Renato Corona ngayong taon, muli na namang maglulunsad ang ANC ng live at walang tigil na pag-uulat ukol sa mahahalagang pangyayari sa paglilitis sa “Chief Justice on Trial, the ANC Coverage,” na magsisimula sa Lunes (Jan 16), 1 p.m.
Maghahatid ng maiinit na ulat mula mismo sa Senado ang beteranong political reporter at news anchor na si Lynda Jumilla at ang impeachment expert at Harvard alumnus na si Atty. Adel Tamano. Magbibigay naman ng mahahalagang balita mula sa ANC studio ang mga mamamahayag na sina Karen Davila at Tony Velasquez kasama ang isang grupo ng mga legal expert.
Bago magsimula ang live na coverage ng paglilitis, mapapanood muna sa ganap na 1 p.m. ang ilang primer. Kabilang dito ang pagpapaliwanag ng proseso ng impeachment at pagsisiyasat sa mahahalagang personalidad kabilang na ang Punong Mahistrado, mga abugado nito, mga taga-usig at ang Korte Suprema.
Itatampok din ang iba pang elemento sa kaso katulad ng posibleng hatol ng mga senator-judge at ang bangayan ni Corona at ng Pangulong Noynoy Aquino.
Bukod sa live na pagpapalabas ng paglilitis sa Studio 23 at live streaming sa abs-cbnNEWS.com, palalawigin ng ANC ang coverage nito sa pamamagitan ng social media. Ihahatid nito ang mga pinakasariwang update sa Twitter account na @ANCALERTS (#CJonTrial) at ANC 24/7 sa Facebook.
Maghahain din ng malalimang pagsusuri sa kaso ang ilang programa ng ANC. Hihimayin ni Adel sa “Tamano Perspective” ang mga highlight ng kaso tuwing Huwebes, 7 p.m, samantalang idodokumento naman ni Lynda ang pag-usad ng kaso sa “ANC Presents: Chief Justice on Trial” tuwing Martes, 7 p.m.
Tutukan ang “Chief Justice on Trial, the ANC Coverage” simula Lunes (Jan 16), 1 p.m. sa ANC (SkyCable ch. 27).
Bernadette Sembrano, mag-uulat na sa "Top Story"
Samantala, mapapanood na ang award-winning na mamamahayag na si Bernadette Sembrano sa “Top Story”. Sasamahan nito ang beteranong anchor na si Tony Velasquez sa pagbibigay ng pinakamalalaki at pinakamahahalagang balita sa bansa, Lunes hanggang Biyernes, 5 p.m.
Share








0 comments:
Post a Comment