Wala nang makapipigil pa sa paggulong ng Kapamilya Karavan ng ABS-CBN Regional Network Group sa pagbibigay-saya sa mga Pilipino saan mang sulok ng mundo, dahil umpisa pa lang ng taon, agad itong aarangakada sa pinakaabangang Sinulog Festival sa Cebu City.
Tampok sa Kapamilya Karavan na gaganapin ngayong Enero 14, 4p.m. sa Ayala Mall Terraces, ang ilan sa pinaka-pinaguusapang Kapamilya stars na sina Gerald Anderson ng “Budoy,” Enchong Dee ng “Maria La Del Barrio,” Kaye Abad ng “Angelito,” at sina Jason Francisco, Melai Cantiveros, Jason Gainza, Ryan Bang at Pooh ng “Banana Split.”
Ani Gerald Anderson, ituturing niyang hindi lang pagtatanghal kundi pasasalamat din ang kanyang pagbisita sa Sinulog Festival ng Cebu, lalo’t patuloy ang pagsuporta ng mga Cebuano sa kanyang teleserye at sa bagong pelikula kung saan katambal niya muli si Sarah Geronimo.
“Masaya talaga ako na nakapagbibigay ng inspirasyon sa mga Cebuano ang ‘Budoy.’ Kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanila. Ang makapag-perform at magbigay-aliw sa harapan nila ang pinakamaganda kong pwedeng gawin.”
Nais naman umpisahan ni Enchong ang taon sa isang taimtim na panalangin sa Sinulog Festival. Aniya, utang niya sa maykapal ang tagumpay niya bilang aktor.
“Ang purpose naman talaga ng mga fiesta ay para magpasalamat sa masaganang buhay sa isnag lugar. Kaya gusto ko i-take ang oportunidad na ito para magpasalamat sa masagana ring buhay na ipinagkaloob sa akin,” ani Enchong.
Ang Sinulog Festival ay isa sa pinakamalaki at makulay na taunang kapistahan sa bansa. Hango sa salitang Sinulog, o sayaw ng pagpapasalamat, layunin ng pagdiriwang na magbigay-pugay kay Sto. Niño, o batang Hesus.
Abangan din ngayong Enero, ang muling pagpapasiklab ng iba pang Kapamilya stars sa Kapamilya Karavan sa darating na Dinagyang Festival sa Iloilo.
Huwag palampasin ang iba pang mga sorpresang handog ng ABS-CBN Regional Network Group!
Share








0 comments:
Post a Comment